Wednesday, July 6, 2011

Isang asignatura...

‘Lang beses ko na narinig
Ang mga litanyang gasgas,
Mga sermong “pampasipag”
Na pilit isinisiksik
Sa aking mumunting tainga

“Mag-aral ka mabuti ‘nak!”
O, “uno ko lang ‘yan apo.”
Meron pang, “Ambaba niyan, bro!”
Ilan yang bumabagabag
Sa isipan kong nagtataka.

Lagi na lang may sukatan.
Nakapapagod sumunod;
Tila laging nahuhuli,
Parang laging nakabuntot.
‘Di alam kung sa’n susuot.

S’ating mundong mapanghusga
Kailangan kang magaling,
Dapat walang pansing palya.
Ngunit, bakit nga ba dapat?
Para kanino? Para sa’n?

Ito malamang ay isa,
Isang bugtong sa ’studyante:
Ang labanan ang sarili,
Sumalungat sa pagtulog
Para sa unong kay ilap.

Nagtangka akong magmuni
Wala akong naipiga;
Wala ang aking napala.
Nananatiling ‘sang bugtong
Buwis buhay na pag-aral.

No comments:

Post a Comment